Kung kailan ko pa kailangang matulog nang maaga, saka naman ako dinatnan ng sari-saring pag-aalala na naging dahil ng hindi ko pagkakatulog hanggang ngayon. 7:06 na nang umaga at hindi pa talaga ako nakakatulog. Patutunugin ko sana ang relo ko nang ika-9 ng umaga subalit nang mapagtanto kong ika-7 na ng umaga ay minabuti ko nang idire-diretso ang aking paggising at matulog na lang mamayang hapon.
Bakit ko nga ba kailangang makatulog sana nang maaga? May pasok kasi ako ngayong umaga nang ganap na ika-10:30 ng umaga. Pero bago iyon, kailangan ko munang plantsahin ang aking puting long sleeves, ang aking amerikana at ang katerno nitong pantalon. Final interview ko kasi mamayang hapon sa isa sa aking ina-apply-ang trabaho dito sa Japan. Sa dinami-rami ng mga in-apply-an kong trabaho, at sa dinalas-dalas ng pagluwas ko sa Tokyo, kasama pa doon ang ilang lapad kong ginastos sa kaluluwas nang halos linggu-linggo sa loob ng dalawang buwan, ay mantakin mo bang dito pa ako sa lungsod na isang oras lang ang layo sa amin ako makakapasa sa exams at interviews? Sabagay, may final interview pa nga mamaya kaya hindi pa ako nakakasiguro, pero kahit paano, may pag-asa na sa isang ito.
Nahihirapan kasi ako sa exams ng mga Japanese companies kasi nga naka-Japanese ang lahat ng mga tanong at kahit nakakaintindi ako ng Hapon to a certain degree, hindi pa sapat iyon para masagutan ko nang mabilis at maayos ang mga tanong sa exam.
Ang pinakadahilan kung bakit hindi ako nakatulog kagabi ay ang aking mga bayarin na patung-patong na at akala ko ay hindi ko mababayaran sa oras. Kabilang diyan ang bayad sa gas, sa telepono, sa internet, sa kuryente, sa upa sa bahay, sa credit card at maging sa TV. Oo, isa ako sa mga tapat na mamamayan ng Japan na nagbabayad ng bi-monthly NHK reception fee. Kahit hindi ako nanonood ng Japanese TV dahil nga sa may subscription ako sa ABS-CBN, dahil may TV ako sa bahay ay required akong magbayad ng NHK reception fee. Wala na akong nagawa noong puntahan ako sa bahay ng collector. Alangan namang huwag ko agad siya pagbuksan ng pinto para maitago ko kung saan ang TV ko. Eh, ang bulky kaya nun kahit 14 inches lang.
Anyway, bumalik tayo sa mga bayarin ko. Dahil nga sa magastos kong jobhunting na nagsimula pa noong May, at dahil sa naantala ang aking monthly stipend noong April, no choice ako kundi gamitin ang aking credit card. Muntik-muntikan nang ma-max ko ang aking credit limit sa loob ng isang buwan. Kung dating dala-dalawang lapad (approx. P 10,000) ang binabayaran ko sa credit card company, this time, magkasunod na tumataginting na 5 lapad ang bill ko! Grabe! Hindi ko akalaing aabot sa ganun. Ilang beses ko chineck ang statement ko kung mayroon bang fraudulent transactions pero wala talaga. Tinawagan pa ako ng customer rep kahapon para sabihing baka bawalan akong bumili ng ibang bagay thru my credit card, tulad ng plane ticket. Eh iyun nga ang susunod kong balak bilhin at gagamitin ko ang aking credit card dahil kakapusin ako sa cash na maiuuwi ko sana sa Pilipinas.
I did some computations bago sana matulog and the figures revealed na mas mataas ang liabilities ko kaysa sa aking assets. Pinilit kong tulugan pero hindi talaga ako mapakali. Bumangon ako ulit bandang 5 am at nag-compute ulit. Buti na lang this time, na-realize ko na may mga balances pa pala yung mga bank accounts ko na pandagdag din sa pambayad. Now, huhusto na ang pera ko para sa mga bayarin ko at para na rin makauwi ako sa Pilipinas. Siguro, kailangan ko lang manghiram ng konti para may konting leeway.
Ilan pa sa mga inaalala ko ay ang report ko sa school na deadline sa katapusan ng July, at ang thesis ko na kailangan kong matapos sa February 2007 pero hindi ko pa nauumpisahan hanggang ngayon. Napag-isip-isip ko na kung hindi naman ako makakapag-bakasyon sa Pilipinas ngayong summer vacation, baka mas lalo akong ma-burnout at tuluyang hindi makatapos ng thesis. Eh, di ang saklap naman nun.
O siya, medyo may idea na siguro kayo kung bakit hindi ako nakatulog. Mamamalantsa muna ako. God bless me mamaya sa final interview.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment